PEKENG SAF TROOPER NA MAY BOG TIKLO SA ECIJA CHECKPOINT

Steve A. Gosuico May 27, 2026
88 Views

TALAVERA, Nueva Ecija – Naharang sa checkpoint operation ang isang lalaking nakamotorsiklo na nagpanggap na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) at ilegal na may bitbit ng baril dito noong Lunes ng gabi.

Kinilala ni Nueva Ecija top cop Col. Ritchie R. Claravall ang naarestong suspek na isang 36-taong-gulang na residente ng Bulakeño Subdivision, Bgy. Poblacion Sur, Rizal, Nueva Ecija.

Nagmamaneho kulay abong Kawasaki Rouser 200 na motorsiklo ang pekeng SAF na pulis nang parahin ito para sa inspeksyon ng mga operatiba ng checkpoint sa Maharlika Highway sa Bgy. San Miguel na Munti dakong alas-11:30 ng gabi.

Sa inspeksyon, nakitang nakasuot ang rider ng isang sublimated sweatshirt na may marka at insignia ng PNP-SAF at apelyidong “Diego” sa likod nito.

Sa beripikasyon, nalaman na ang suspek ay hindi miyembro ng PNP, na humantong sa kanyang pag-aresto.

Lalong nadiin sa kaso ang suspek dahil nakapkapan siya na may bitbit na isang cal.9mm pistol na may lamang 10 bala.

Sinabi ni Claravall na ang suspek ay sinampahan ng mga kasong paglabag sa Article 179 ng Revised Penal Code (ilegal na paggamit ng uniporme at insignia) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Ani Claravall: “Mananatiling mapagmatyag ang NEPPO laban sa mga indibidwal na ilegal na gumagamit ng mga uniporme at insignia ng pulisya upang linlangin ang publiko at sirain ang integridad ng organisasyon.”