Nakaw

Kasambahay hinuli dahil ‘malikot ang kamay; P2.4M pera, alahas ng amo tinangay

55 Views

ARESTADO ang isang 31-anyos na kasambahay matapos umanong tangayin ang mahigit P2.4 milyong halaga ng pera at mamahaling alahas ng kanyang amo sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District Director PBGEN Randy Glenn Silvio ang suspek na si alyas “Angelica,” residente ng Brgy. Maybunga, Pasig City, na nadakip ng mga tauhan ng Eastwood Police Station 12 sa ilalim ni PLTCOL Lyndon Perez.

Sa ulat, dakong alas-4:30 ng hapon noong Mayo 26 nang pasukin umano ng suspek ang silid ng kanyang amo sa Brgy. Bagumbayan, Quezon City at tinangay ang P1,002,500 cash at iba’t ibang uri ng alahas.

Kabilang sa nawawala ang limang pares ng hikaw na nagkakahalaga ng P820,000, apat na kuwintas na aabot sa P300,000, isang bracelet na P220,000 at dalawang pendant na nagkakahalaga ng P70,000.

Lumabas sa imbestigasyon na inilagay umano ng suspek ang mga alahas sa isang paper bag at ibinigay sa hindi pa nakikilalang lalaki.

Nadiskubre ng biktima ang pagkawala ng kanyang mga alahas at kinompronta ang kasambahay na kalaunan ay umamin umano sa krimen.

Agad namang nagsagawa ng operasyon ang PS 12 na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek dakong alas-11:30 ng gabi ng parehong araw.

Gayunman, hindi pa nababawi ng mga awtoridad ang nawawalang pera at mga alahas.

Nahaharap ang suspek sa kasong qualified theft sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni PBGEN Silvio ang mga pulis sa mabilis na aksyon at hinikayat ang publiko na tumawag sa E911 o QC Helpline 122 sakaling may emerhensya.