BINHI

Mayor Isko, VM Atienza dumalo sa BINHI launching

Edd Reyes May 28, 2026
41 Views

DINALUHAN nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang Project BINHI Cash-for-Work Payout para sa mga pinagkalooban ng pansamantalang hanapbuhay noong Huwebes sa Padre Gomez Elementary School sa Binondo, Manila.

Sa ilalim ng Project BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished), 500 benepisyaryo mula sa Baseco, District 1 at 2 ang nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng pansamantalang hanapbuhay na 20 araw na urban gardening.

Sinabi ni Mayor Domagoso na bawat benepisyaryo, na karamihan ay kabilang sa mga maralita ay nakatanggap ng P695 kada araw o P13,900 bilang kabayaran sa kanilang partisipasyon sa programa.

Binanggit ng alkalde ang itinuro ng mga magulang at guro na kapag may itinanim, may aanihin, na akma sa inisyatiba ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Kapag patuloy ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at national government, ginhawa ang makakamit ng taumbayan,” sabi ni Mayor Isko.

Tiniyak din ng alkalde na makararating nang buo at maayos sa mga benepisyaryo ang anumang tulong mula sa pambansang pamahalaan.