Calendar
P2.5M halaga ng alahas ninenok ng naarestong kasambahay
NAARESTO ng mga pulis ang katulong na nagnenok ng hindi bababa sa P2.5 milyon na halaga ng sari-saring alahas at papel de ahensiya ng kanyang amo sa Dasmariñas Village sa Makati City noong Mayo 28.
Inamin ng babaeng kasambahay ang pagtangay sa mga alahas ng kanyang amo matapos mabawi sa loob ng kanyang silid ang P313,880 na gold watch, P24,250 na platinum pendant, P27,800 na pares ng hikaw, P166,370 na hikaw at P99,700 na cufflinks na may total value na P632,000.
Nabawi rin ng mga pulis ang papel de ahensiya ng mga isinanlang alahas na may kabuuang halagang P1,948,995.12, habang inaalam pa kung nasaan ang iba pang nawawalang alahas.
Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nagtungo sa Makati Police Station ang kinatawan ng biktima upang ireklamo ang pagkawala ng mga alahas ng biktima sa Barangay Dasmariñas Village, Makati.
Tatlong kasambahay na naninirahan sa bahay ng biktima ang kaagad isinailalim sa pagsisiyasat hanggang matunton sa silid ng suspek ang ilang piraso ng mamahaling alahas na nawawala.
Patuloy pang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya upang matukoy kung may iba pang alahas na isinanla ang suspek.
Nasa kustodiya pa ng mga pulis ang suspek na nakatakdang isailalim sa inquest proceedings para sa kasong qualified theft sa Makati City Prosecutor’s Office.

