Kulong

Bagong kasambahay bagsak selda sa pagnenok ng P307K alahas ng amo

57 Views

Kulong1

BATANGAS — Isang kasambahay na limang araw pa lamang sa trabaho ang diretso sa selda matapos maaktuhan ng kanyang amo habang ninanakaw ang pangkasal na singsing nito sa Brgy. Talaibon, Ibaan, noong Lunes, Hunyo 8.

Kinilala ng Ibaan Police ang 20-anyos na suspek na si alyas Melinda.

Ang mga biktima ay kinilalang sina alyas Angelica, 28, at alyas Fe, 77, retiradong guro.

Ayon sa pulisya, alas-10:00 ng umaga nang maaktuhan ni Angelica ang suspek na ipinapasok sa kanyang black coin purse ang isang inverted cone ring na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P5,000.

Bago ang insidente, may hinala na ang mga biktima dahil sunod-sunod na ang nawawalang alahas sa loob ng bahay simula nang pumasok si Bergonio noong Hunyo 3.

Nang makuha ang iba pang ninakaw, lumitaw na umabot sa ₱307,000 ang kabuuang halaga ng ninakaw ng suspek, kabilang ang gintong singsing na may halagang ₱74,000, tri-color ring na nagkakahalaga ng ₱94,000, at sapphire earrings na umanong may halagang ₱84,000.

Ibinenta diumano ng suspek ang ilang alahas sa isang nagngangalang alias Johnel na tinutugis na rin ng mga pulis.

Kasalukuyang nakaditine ang suspek sa piitang bayan ng Ibaan habang inihahanda ang kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa Provincial Prosecutor’s Office.