Libanan

Imbestigasyon sa kontrobersiyal na “grand lotto draw” isinulong

Mar Rodriguez Oct 5, 2022
255 Views

PUMASOK na sa eksena ang Kamara de Representantes kaugnay sa kontrobersiyal na “grand lotto draw” ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na mayroong P236 million jackpot prize sa pamamagitan ng ikakasang imbestigasyon patungkol dito.

Isinulong ni House Minority Leader at 4Ps Partylist Cong. Marcelino “Nonoy” C. Libanan ang House Resolution No. 463 na naglalayong magkaroon ng imbestigasyon ang Mababang Kapulungan hinggil sa kontrobersiyal na grand lotto draw.

Sinabi ni Libanan na layunin din ng isasagawang pagsisiyasat na maprotektahan at mapanatili ng Kongreso ang integridad ng mga “lotto draws” na malaki ang nai-aambag sa kaban ng pamahalaan at nakakatulong sa mga public health programs nito.

Ang House Committee on Games and Amusement ang siyang magsasagawa ng pagsisiyasat kaugnay sa kontrobersiya para alamin kung nagkaroon ng iregularidad o hindi sa grand lotto draw ng PCSO.

“We also have to safeguard the hopes and dreams of millions of Filipinos that patronize the lotto draws every day,” sabi ni Libanan.

Bagama’t tiniyak naman ng pamunuan ng PCSO sa publiko na ang lahat ng lotto draws nito ay isinasagawa alinsunod sa mataas na pamantayan ng “transparency” o “highest standards of transparency” kabilang na ang pagiging patas at walang pandadaya.

Gayunman, muling sinabi ni Libanan na ang nangyaring kontrobersiya ay pinagmulan ng laganap na diskusyon at usap-usapan sa social media at traditional media kung nagkaroon nga ba ng dayaan o iregularidad sa nasabing grand lotto draw.