PCSO

Trike driver nanalo ng kalahati ng P142.5M GrandLotto jackpot

251 Views

ISANG 50-anyos na tricycle driver ang isa sa dalawang maghahati sa P142.5 milyong jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 sa bola noong Enero 7, 2023.

Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang nanalo ay pumunta na sa kanilang tanggapan sa Mandaluyong City upang kunin ang kanyang premyo.

Siya ay nanalo rin ng menor prize matapos tayaan ang lima sa anim na numerong lumabas sa kaparehong bola.

“Unang-una, ibibili ko ito ng lupa, magpapatayo ako ng mga apartments, private resort at iba pang mga negosyo. Ilalaan ko rin ang iba para sa pag-aaral ng dalawa kong mga anak,” sabi ng nanalo.

Lubos na nagpapasalamat ang nanalo sa PCSO at sinabihan ang mga mananaya na huwag mawalan ng pag-asa.

“Lubos po ang aking pasasalamat sa PCSO. Sa mga kapwa ko manlalaro, patuloy sana nating tangkilikin pa ang lotto at maniwala dahil di lang tayo ang nagkakaroon ng pag-asa, maging ang mga taong nabibigyan ng tulong at kalinga ng PCSO. Tunay na darating sa buhay natin ang suwerte,” sabi pa nito.

Ang mga premyo na mahigit P10,000 ang halaga ay pinapatawan ng 20% buwis.

Ang nanalo ay mayroong isang taon para kunin ang kanilang premyo. Ang mga premyo na hindi makukuha ay mapupunta sa Charity Fund ng PCSO.