PCSO

Magbababoy sa Batangas nanalo ng P29.7M GrandLotto jackpot

159 Views

ISANG 47-anyos na magbababoy ang nanalo ng P29.7 milyong jackpot prize ng GrandLotto 6/55 sa bola noong Enero 21, 2023.

Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mananaya na taga bayan ng Ibaan ang nakakuha ng winning number combination na 03-44-10-13-23-11.

“Nakakapagod po, umikot na ang buhay ko sa pagbababuyan. Mahirap, mabaho. Kung hindi sisipagan walang pambiling pagkain. Pinangarap ko talagang yumaman para magbago naman ang aking pamumuhay. Maraming salamat po sa Panginoon at dininig po aking panalangin” sabi ng nanalo sa opisyal ng PCSO ng kunin nito ang kanyang premyo.

Tumaya ang nanalo ng lucky pick o ang lotto machine ang hinayaan nito na pumili ng numero na kanyang tatayaan.

“Bale pag ako po ay nataya ng lotto eh ako po ay may alagang 2 kombinasyon tapos kasunod po neto ay lucky pick na. Sa tagal ko po inaalagaan ang aking numero ay nakakagulat po na ang tumama pa ay yung lucky pick. Nakita ko po sa isang post sa social media na ang tumama daw ay taga Ibaan, kaya tsinek ko ang aking tickets. Napaiyak po ako sa tuwa ng makita ko na iyong numero ko ang lumabas. Maraming salamat PCSO sa pagbibigay ng pagkakataon sa amin na kami’y maging milyonaryo” kuwento ng nanalo.

Ang nanalo ay mayroong tatlong anak na paglalaanan umano nito ng kanyang nakuhang premyo para matiyak na sila ay makakatapos ng pag-aaral.