Bella

Parak naaresto suspek sa tinigok ng transwoman

Steve A. Gosuico Jun 27, 2026
71 Views

ZARAGOSA, Nueva Ecija–Naaresto ang suspek sa pagpatay sa 20-anyos na transwoman na tatlong araw munang nawala bago natagpuang patay at tinakpan ng sako na may dagan na mga bato sa kanal ng irigasyon sa Sitio Burnao, Brgy. Del Pilar ng bayang ito noong Hunyo 20.

Nahuli ang suspek, na dati umanong kasintahan ng biktima, sa follow-up operation matapos irebisa ang mga kuha ng CCTV na nagpapakita na nakasakay sa motorsiklo ang biktima na minamaneho ng lalaki bago ang insidente.

Sinampahan na ng kasong pagpatay ang naarestong suspek sa tanggapan ng tagausig sa Cabanatuan City.

Ang biktima, si Bella Lutap ng Brgy. Cama Juan, San Antonio, Nueva Ecija, ay nawawala nang tatlong araw bago matagpuang patay na natatakpan ng sako ng bigas at mga bato.

Hustisya ang sigaw ng Society of Trans Women of the Philippines (STRAP) para sa pagpatay sa biktima.

Sinabi ni police head Major Nelson Sarmiento na ang lalaki sa motorsiklo ay dati umanong kasintahan ng biktima.

Sinakal muna umano ang biktima bago itinapon ang katawan nito sa irigasyon, dagdag ng opisyal.

Sinabi ng STRAP na ang pagkamatay ni Bella ay nangyari sa pagdiriwang ng Pride Month at inilarawan ito bilang isang masakit na paalala na maraming transgender ang nahaharap sa karahasan dahil lamang sa kanilang kalagayan bilang trans.