Maynilad

Hukay ng Maynilad gumuho; 2 patay, 1 sugatan

Edd Reyes Jun 29, 2026
51 Views

DALAWANG construction worker ang nasawi at isa ang nakaligtas nang gumuho ang malalim na hukay ng Maynilad Water Services Inc. noong Linggo sa Las Piñas City.

Lunes ng alas-6:44 ng umaga nakuha ang bangkay nina alyas “Justine,” 21, at “Ricky” mula sa tinatayang 18-metrong lalim na hukay sa kanto ng Aquarius at Libra Streets, Barangay Pamplona Dos.

Nananatili namang nakaratay sa Christ the Kung Hospital sa Pamplona Uno si alyas “Rogelio,” 34, habang ligtas na sina alyas “Rommel,” 36, at “Jermielane,” 27, na unang nakaahon sa gumuhong hukay.

Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, may drilling operation para sa Maynilad pumping station ng biglang bumigay ang konkretong poste dakong alas-2:52 ng hapon.

Binatikos ng live-in partner ng isa sa nasawi ang hindi agad pagpapaalam ng Maynilad sa nangyaring trahedya at ipinaalam lang dakong alas-9:00 ng gabi.

Pero sa panig ng Maynilad, nakipag-ugnayan sa BFP, lokal na opisyal at disaster response units upang isagawa kaagad ang retrieval operation.