Holdap

2 holdaper pinalo ng baril sa ulo kolektor; 1 nabaril ng sekyu, sugatan

Edd Reyes Jun 30, 2026
21 Views

SUGATAN ang isa sa dalawang armadong holdaper nang mabaril ng alertong security guard matapos nilang tangkaing holdapin ang kolektor ng isang kompanya sa Las Piñas City.

Isinugod ng mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) ang suspek na si alyas “Erwin”, 32, sa Las Piñas District Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan, pati na rin ang biktimang si alyas “Bunny”,39, cash collector ng kompanya ng electronic payment processing sa C-5 Extension, Brgy. Pulang Lupa Uno na nasugatan sa ulo matapos hatawin ng baril ng suspek.

Nakatakas naman ang isa pang suspek na nakasuot ng jacket, sakay ng motorsiklong gamit nila sa panghoholdap.

Sa inilabas na ulat ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, magre-remit ng kanyang koleksiyon ang biktima sa kanilang kompanya alas-10:30 ng umaga noong Lunes nang tutukan ng baril ng dalawang holdaper at pilit na kinukuha ang bag na naglalaman ng hindi tinukoy na halaga ng salapi.

Nang tumanggi ang biktima, hinataw siya ng baril sa ulo ng suspek, hanggang rumesponde na ang guwardiya ng kompanya at paputukan ang mga suspek.

Nakuha ng mga tauhan ni Las Pinas police chief P/Col. Fermin Armendarez III sa suspek ang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala.