Hot News

INC may pahintulot na mag-rally

38 Views

PermitMAY pahintulot na ang Iglesia ni Cristo (INC) na idaos ang kanilang mapayapang rally sa White Plains Avenue–Temple Drive sa Quezon City matapos kumpirmahin ng Quezon City Police District (QCPD) na naglabas na ng permit ang Department of Public Order and Safety (DPOS) ng lungsod.

Batay sa dokumentong pirmado ni DPOS Head Elmo DG. San Diego, inaprubahan ang kahilingan ni Minister Eraño S. Codera, sa pamamagitan ng awtorisadong kinatawan na si Atty. Lindsey Fabella-Bendal, para sa pagtitipon na gaganapin mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi ngayong Miyerkules, Hulyo 1. Tinatayang aabot sa 100,000 ang mga lalahok sa aktibidad.

Ayon sa QCPD, nakahanda na ang mga pulis na magpatupad ng sapat na seguridad at traffic management upang matiyak ang maayos at mapayapang pagdaraos ng rally.

Nakasaad din sa permit na hindi papayagan ang total road closure at inaatasang panatilihin ng mga organizer ang kalinisan at kaayusan ng lugar bago, habang at matapos ang programa.

Binalaan din ng DPOS na maaaring bawiin o kanselahin ang permit kung magkaroon ng emerhensiya, mangailangan ang kapakanan ng publiko, o kung lalabag ang mga organizer sa mga itinakdang kondisyon.

Iginiit din ng mga awtoridad na hindi dapat maantala ng pagtitipon ang security operations ng QCPD at ang normal na daloy ng trapiko na pamamahalaan ng Traffic and Transport Management Department at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Dagdag pa rito, ang paglabag sa oras o lugar na nakasaad sa permit ay maaaring magresulta sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 880 at kaukulang legal na aksyon.