Calendar
Ingay sa QC construction site napagkamalang barilan sa paaralan

NAGULANTANG ang mga estudyante ng Bagong Silangan National High School sa Barangay Payatas, Quezon City nitong Huwebes matapos mapagkamalang putok ng baril ang malakas na ingay na nagmula pala sa isang construction site.
Dahil sa kumalat na mga post sa social media tungkol sa umano’y barilan sa loob ng paaralan, nag-panic ang mga estudyante at nagsidatingan ang mga nag-aalalang magulang upang sunduin ang kanilang mga anak.
Sa pahayag ng Quezon City Police District (QCPD), peke ang kumalat na balita at walang naganap na barilan sa loob ng eskuwelahan.
Sa paunang imbestigasyon, alas-9:00 ng umaga nang makarinig ng malakas na ingay ang mga estudyante habang nakikipag-meeting sa paaralan ang mga tauhan ng Payatas-Bagong Silangan Police Station 13 sa pangunguna ni PLt. Col. Rowena Amata.
Agad na bineripika ng mga pulis ang insidente at natuklasang ang ingay ay nagmula lamang sa nagpapatuloy na construction malapit sa paaralan na napagkamalang putok ng baril.
Idineklara ng QCPD na ligtas na ang sitwasyon at ipinagpatuloy ang normal na klase. Wala ring naiulat na nasaktan o anumang hindi kanais-nais na insidente.
Kasunod nito, muling nanawagan ang QCPD sa publiko na huwag magpakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon sa social media dahil maaari itong magdulot ng hindi kinakailangang takot at pagkalito.

