LTFRB naglabas ng SCP vs 34 bus, UV Express operators

Jun I Legaspi Jul 2, 2026
31 Views

NAGLABAS ang Department of Transportation (DOTr) ng show cause order (SCO) laban sa 34 na operator ng mga pampasaherong sasakyan na hindi bumiyahe sa kanilang ruta at namataan sa mga rally site sa Quezon City.

Bagama’t iginagalang ng LTFRB ang karapatan ng bawat isa na magpahayag ng kanilang saloobin at lumahok sa mapayapang kilos-protesta, nararapat ding isaalang-alang ang kapakanan ng publiko, ayon sa LTFRB.

Ayon sa LTFRB, ang hindi pagbiyahe ng mga operator ay nakaapekto sa maraming commuter na umaasa sa serbisyo ng pampublikong transportasyon.

Nakasaad sa SCO na ang hindi pagpasada ng mga operator noong Martes ay nagdulot ng kakulangan sa pampublikong transportasyon para sa mga mananakay at paglabag sa Paragraph 3 ng Memorandum Circular No. 2011-004.

Inatasan ang 34 na operator na magsumite ng notaryadong paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanilang permit to operate.

Nakatakda ang pagdinig sa kaso sa Hulyo 9.