Isko

Sertipiko ng bahay ng 65 beneficiaries sa Manila nakuha na

Edd Reyes Jul 2, 2026
22 Views

IPINAGKALOOB nina Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, Vice Mayor Chi Atienza sa 65 benepisyaryong pamilya ang sertipiko ng bago nilang bahay sa In-City Vertical Housing noong Miyerkules sa Bulwagang Villegas.

Sa 65-benepisyaryo, 40 ang mga kawani ng Manila Health Department at pampublikong ospital habang ang 25 ay mga walk-in awardees.

“Kayo ay tumanggap ng isang malinis na bahay at pamayanan. Panatilihin ninyo itong malinis kasi hindi naman ako ang titira diyan, kayo rin. Ipagkusa na ang disiplina. Ipagmalasakit ninyo ang inyong sarili at inyong kapitbahay,” sabi ng alkalde.

Sa darating na ilang araw ay lilipat na sa kani-kanilang unit ang mga benepisyaryong pamilya sa San Lazaro Residences, Pedro Gil Residences, at San Sebastian Residence.

Tiniyak ng alkalde na madaragdagan pa ang mga vertical in-city housing sa lungsod na para mabigyan ng maayos na tirahan ang mga Manileño at maitaas ang kalidad ng kanilang buhay.