Chua

Ebidensya vs VP Sara pinakamabisang sandata vs fake news–Chua

Mar Rodriguez Jul 4, 2026
57 Views

ANG mga ebidensiyang ihaharap ng House prosecution panel sa impeachment trial ang pinakamabisang sandata para labanan ang mga “fake news,” ayon kay Manila Rep. Joel R. Chua.

Iginigiit ni Chua na ang pinakaepektibong tugon sa maling impormasyong kumakalat tungkol sa impeachment case laban kay Duterte ay ang mga ebidensiyang ilalatag ng House prosecution sa pormal na pag-arangkada ng paglilitis sa Senado.

“Alam po ninyo, wala pong pinakamatinding panabla sa fake news kung hindi po ang ebidensya na ilalatag po namin,” sabi ni Chua.

Inaasahan ng prosekusyon na mas lalaganap pa ang maling impormasyon at mga pag-atakeng pampulitika habang umuusad ang paglilitis sa impeachment.

“Hindi po natin maaalis na maglalabasan ang maraming fake news,” sabi ni Chua.

Ipinaliwanag pa ni Chua na nananatiling nakatuon ang prosekusyon sa maayos na paglalahad ng kanilang kaso at hahayaan ang publiko na humusga batay sa mga ebidensyang ihaharap.

Nakatakdang magsimula sa Lunes ang impeachment trial ni Duterte sa Senado.

Na-impeach si Duterte ng Kamara de Representantes noong Mayo at haharap sa paglilitis dahil sa mga paratang na kinabibilangan ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol na kinasasangkutan ng mga tauhan ng Department of Education, at mga banta laban sa pinakamataas na opisyal ng bansa.