Calendar
Mga Pinoy namulat na sa katotohanan–Chua
NAMULAT na sa katotohanan ang mamamayang Pilipino, ayon kay Manila Rep. Joel Chua at mas naging mulat pa sa mga ebidensiya laban kay Vice President Sara Z. Duterte kaugnay sa mga alegasyon ng korapsyon na isinampa laban sa kanya.
Iginigiit ni Chua na lumaki ang interes ng publiko sa mga ebidensya laban kay Duterte at mas marami na ngayong mga Pilipino ang nagnanais na ituloy ang impeachment trial upang makita ang buong paglalahad ng kaso.
“Malaking bagay po na namulat ang tao nung tayo po ay nag-conduct ng committee hearing sa Committee on Justice kung saan nakita po ng kababayan natin ang mga ebidensya,” ang pahayag ni Chua
Ang chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability ay nagsabing marami na ngayong Pilipino ang nais na umusad ang kasong impeachment at tuluyang maresolba ito sa pamamagitan ng isang ganap na paglilitis.
“Marami po ang nagtatanong at panahon na siguro. Isa sa mga gusto ng mga tao ay matuldukan na itong isyu ng impeachment, masimulan ang paglilitis at matapos na ang paglilitis at makita ng mga kababayan natin ang mga ebidensya,” sabi pa nito.
Binanggit din ni Chua ang isang survey na nagpapakitang 82 porsiyento ng mga respondent ang sumusuporta sa pagsasagawa ng impeachment trial. Gayunman, nilinaw niya na hindi ito nangangahulugang naniniwala na silang may kasalanan ang Bise Presidente.
Nakatakdang magsimula sa Lunes ang impeachment trial sa Senado. Inaasahang magbibigay ng kani-kanilang opening statements ang prosekusyon at depensa sa unang araw ng paglilitis.
Na-impeach si Duterte ng Kapulungan ng mga Kinatawan noong Mayo at haharap sa paglilitis dahil sa mga paratang na kinabibilangan ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol na kinasasangkutan ng mga tauhan ng Department of Education, at mga banta laban sa pinakamataas na mga opisyal ng bansa.

