Calendar
Source: Tacloban City Information Office
Villar nanawagan ng mas mahigpit na school safety matapos ang pananaksak sa Las Piñas student
NANAWAGAN si Sen. Mark Villar ng mas mahigpit na seguridad sa loob at paligid ng mga paaralan at mas malawak na youth intervention programs matapos ang pananaksak sa isang Grade 8 student ng Las Piñas National High School.
“Mariin kong kinokondena ang brutal na pananakit at pananaksak sa isang Grade 8. Walang batang Las Piñero ang dapat mabuhay sa takot o malagay sa panganib habang pumapasok o umuuwi mula sa paaralan,” sabi ni Villar.
Hinimok niya ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas, mga opisyal ng paaralan, law enforcement agencies, barangay officials, mga magulang at komunidad na paigtingin ang koordinasyon at mabilis na tumugon sa mga banta ng karahasan na kinasasangkutan ng mga mag-aaral.
Ayon kay Villar, dapat palakasin ang seguridad hindi lamang sa loob ng campus kundi maging sa paligid ng mga paaralang dinaraanan ng mga estudyante.
“Lubhang nakalulungkot na ang mga suspek ay pawang mga menor de edad, at karamihan sa kanila ay mga out-of-school youth.
Sa halip na masangkot sa krimen, ang ating mga kabataan ay dapat nasa paaralan o nabibigyan ng pagkakataong makabalik sa pag-aaral at magkaroon ng maayos na direksyon sa buhay,” sinabi niya.
Dapat magsilbing paalala ang insidente upang palawakin ang mga programa sa edukasyon, youth intervention, at mental health para magabayan ang mga kabataan at mailayo sila sa karahasan.
“Isa itong paalala na kailangan nating palawakin ang mga programa para sa edukasyon, youth intervention, at mental health upang mabigyan sila ng tamang paggabay, suporta, at mga oportunidad upang makaiwas sa landas ng karahasan,” sinabi niya.
Ayon sa senador, dapat manatiling ligtas na lugar ang mga paaralan para sa pag-aaral, paghubog ng mabuting asal, at pag-asa.
Sinabi ni Villar na ipinagdarasal niya ang paggaling ng estudyante at handa siyang magbigay ng tulong sa pamilya ng biktima.

