Lacson

Impeachment trial ituloy, BIR box dapat ibalik–Lacson

60 Views

SINABI ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na dapat ibalik ng Senate impeachment court sa House prosecution team ang tinatawag na BIR green box na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte at dapat tumuloy ang paglilitis kahit may ilang senator-judge na hindi dumalo.

Ayon kay Lacson, hindi tungkulin ng impeachment court na mag-ingat o magbukas ng naturang kahon, at maaaring magdulot ng legal na usapin kung mananatili ito sa kustodiya ng Senado.

“Tama din si Sen. Escudero, nagsabi wala tayong business mag-safekeep ng evidence kasi korte tayo, unless presented ‘yan at i-admit natin bilang korte magpresent niyan prosecution or defense,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Lacson na sa ilalim ng Section 71 ng National Internal Revenue Code, kailangan ng nakasulat na pahintulot mula sa Pangulo, batay sa rekomendasyon ng Bureau of Internal Revenue at Department of Finance, bago mabuksan ang tax records.

Maaari lamang mabuksan ang kahon kung may nakasulat na waiver mula sa respondent.

Nagbabala si Lacson na kung ang impeachment court mismo ang magpapasya na tanggalin ang selyo ng kahon batay sa posisyon ng prosekusyon, maaari nitong ilantad ang tribunal sa alegasyon ng grave abuse of discretion.

“So huwag sa amin ibagsak ang burden na mag-unseal o magbukas. Kung gusto ng prosecution, humingi sila permiso sa Office of the President para i-unseal yan. Huwag kami huwag ang Impeachment Court. Di namin gagawin,” sinabi niya.

Ipauubaya ng majority bloc kay Senate President Sherwin Gatchalian ang pagtatalaga ng tagapagsalita ng impeachment court, sabi ng senador.

Mas mainam umano kung abogado ang itatalagang spokesperson at dapat makipag-ugnayan nang malapit kay Senate Secretary Renato Bantug Jr., na tinukoy niyang impeachment clerk of court.

Inaasahang mapagpapasyahan ito ng majority bloc sa kanilang caucus sa Lunes ng umaga.

Binigyang-diin ni Lacson na ibabatay niya ang kanyang magiging pasya bilang senator-judge sa ebidensiyang ihaharap sa paglilitis.

“As far as I’m concerned, 1000% guaranteed na ang titingnan ang evidence, di ang political alliance or personal biases. Sinisigurado ko yan,” sinabi niya.

Dapat ding tumuloy ang paglilitis bilang paggalang sa karapatan ni Duterte, upang magkaroon ng hatol batay sa ebidensiya.

“Di pwedeng maantala ang trial in fairness kay VP Sara ituloy tuloy na lang para kung lalabas ang verdict na acquitted siya at least ma-clear na siya,” dagdag ni Lacson.