Calendar
COVID-19 cases sa QC sumipa ng 265% sa loob ng tatlong linggo

NAKAPAGTALA ang Quezon City ng 265.22 porsiyentong pagtaas sa bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng tatlong linggo, ayon sa datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD).
Mula sa 23 confirmed cases na naitala mula May 21 hanggang June 10, umakyat ang bilang sa 84 kaso sa pagitan ng June 11 at July 1, 2026. Dahil dito, umabot na sa 146 ang kabuuang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Quezon City ngayong 2026.
Batay sa inilabas na case bulletin ng Quezon City Health Department, ang District 4 ang may pinakamataas na bilang ng kaso sa 32.71%, kasunod ang District 1 na may 22.43%. Nanguna ang Barangay Doña Imelda na may 11 kaso, habang may tig-apat na kaso naman ang Culiat, Salvacion, Santa Teresita, Santo Cristo, Sauyo, Socorro, at Tandang Sora.
Ipinakita rin sa ulat na ang mga nagkaroon ng COVID-19 ay mula isang buwang gulang hanggang 92 taong gulang. Pinakamaraming kaso ang naitala sa mga edad 14 pababa, na bumubuo sa halos 30 porsiyento ng kabuuang kaso. Sinundan ito ng mga edad 25 hanggang 29, at mga senior citizen na 60 taong gulang pataas, na kapwa may tig-16 porsiyento ng mga kaso. Mas marami ring naitalang kaso sa kababaihan na may 66 kaso (62%), kumpara sa 41 kaso (38%) sa kalalakihan.
Ayon sa Quezon City Health Department, tuloy-tuloy ang pagtaas ng mga kaso sa nakalipas na anim na linggo kaya ipinagpapatuloy ng QCESD ang mas pinaigting na case monitoring at disease surveillance upang agad matukoy ang anumang posibleng clustering o pagdami pa ng mga kaso.
Kasabay nito, muling pinaalalahanan ng lungsod ang publiko na ipagpatuloy ang mga pangunahing health measures tulad ng tamang respiratory hygiene, madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask kung may sintomas ng respiratory illness, at pananatili sa bahay kapag may sakit upang maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon. Para sa mga bata, senior citizen, at may mahinang resistensya, hinihikayat ang agarang pagpapatingin sa health center sakaling makaranas ng sintomas.

