Calendar
Estudyante, 10, nagulungan ng SUV sa QC, nasawi
PATAY ang isang 10-anyos na Grade 5 pupil matapos dalawang beses na magulungan ng isang sports utility vehicle (SUV) sa Barangay Balingasa, Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), nakita sa CCTV na humiga muna ang bata sa kalsada bago umupo. Ilang sandali pa ay dumating ang SUV na minamaneho ng isang 55-anyos na lalaki at hindi umano nito napansin ang biktima kaya dalawang beses na nagulungan.
Ayon kay QCPD Traffic Sector 1 Commander Police Lieutenant Jason Santoceldes, posibleng hindi nakita ng driver ang bata dahil pababa ang bahagi ng kalsada.
Isinugod pa sa ospital ang bata ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa matinding pinsalang tinamo sa katawan.
Naaresto ang driver at dinala sa kustodiya ng QCPD Traffic Sector 1. Ayon sa kaniya, pauwi na siya nang mangyari ang insidente at hindi niya nakita ang bata sa kalsada.
Sinampahan na ang driver ng kasong reckless imprudence resulting in homicide at sumailalim na sa inquest proceedings habang hinihintay ang resolusyon ng piskalya.

