Ebike

E-bike driver na humarang, ‘nangholdap’ sa mag-dyowang dayuhan huli

Edd Reyes Jul 8, 2026
31 Views

Ebike1TIKLO ang e-bike driver na umano’y kasabwat ng dalawang kawatan na nambiktima ng magkasintahang turista noong Martes sa Pasay City.

Sa ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin, naglalakad ang 34-anyos na Turkish national at kasintahang Dutchwoman sa Gil Puyat Avenue nang biglang humarang sa daraanan ang e-bike na sinasakyan ng tatlong suspek sa kanto ng Tramo St. alas-12:00 ng hatinggabi.

Bumaba ang dalawang suspek at nang puwersahang hablutin ang cellular phone ng babaing turista, pumalag ang kasintahan nito na dahilan upang tumakas ang mga suspek kaya’t ang kasabwat nilang driver na si alyas Kenjie ang pinigilan ng lalaking dayuhan.

Sa kabila ng pagtatamo ng sugat ng Turkish national bunga ng pagpupumiglas ng supek, hindi siya binitiwan ng dayuhan hanggang isang concerned citizen ang nagsuplong sa nagpapatrulyang operatiba ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Pasay Police Station na nagresulta sa pagkakadakip kay alyas Kenjie

Nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco laban sa nakatakas na suspek na nakapagtangay sa P70,000 halaga ng cellupar phone ng Dutchwoman subalit bigo silang madakip ang mga ito.

Sasampahan ng pulisya ng kasong robbery with violence at illegal possession of bladed weapon ang suspek matapos makuha sa bulsa ng suot na pantalon ang 10-pulgadang patalim habang naka-impound na rin ang gamit nilang e-bike sa panghoholdap.