Marine Source: FB

US marine biologist nilooban, binaril ng 3 ‘magnanakaw’ nasawi

Zaida Delos Reyes Jul 14, 2026
37 Views

PATAY ang isang American Marine Biologist matapos na barilin sa loob mismo ng kanyang bahay Linggo ng gabi sa Sibulan, Negros Oriental.

Nakilala ang biktima na si Dr. Kent Edward Carpenter, 73, at kilala sa larangan ng Marine conservation.

Batay sa ulat ng PNP, naganap ang insidente dakong 11:30 ng gabi kung saan pinasok ng tatlong lalaki na nakatakip ang mukha ang bahay ng biktima.

Naabutan ng mga suspect ang biktima at ang 34-anyos na partner nito habang nanonood ng telebisyon sa loob ng bahay.

Isa sa mga salarin ang agad na pinaputukan sa ulo ang biktima na naging sanhi ng kagyat nitong kamatayan.

Matapos ang pamamaril ay hinalughog ng mga suspect ang bahay at tinangay ang mahahalagang gamit ng biktima.

Sugatan din sa insidente ang partner ng biktima.

Sa ngayon, agad na bumuo ang mga awtoridad ng special investigation task group o SITG Carpenter para tutukan ang kaso.

Nakipag-ugnayan na rin ang mga imbestigador sa US Embassy habang patuloy ang pagtitipon ng ebidensya at pagkilala sa mga salarin.

Tinitignan naman ang anggulong pagnanakaw sa posibleng motibo ng krimen.