Riot

CICLs na inaresto sa riot, pagnanakaw kapiling na ng pamilya nila

Edd Reyes Jul 14, 2026
33 Views

NAKABALIK na sa pamilya nila ang apat na Children in Conflict with the Law (CICL) na makumpleto ang intervention program ng Manila Department of Social Welfare (MDSW).

Ayon kay MDSW Director Jay Dela Fuente, ang apat na kabataan na nasa pagitan ng edad na 14 at 15, ay inaresto ng mga pulis matapos masangkot sa mga pagnanakaw at riot na dahilan upang isailalim sila sa ilang buwang intervention sa Manila Boys Town Complex sa Marikina City.

Kabilang sa kanilang intervention program ang masinsing paggabay sa mga CICL at kanilang pamilya, pagtuturo ng wastong asal, pagpapalakas ng espirituwalidad, pati na rin ang boluntaryong gawaing pang-komunidad na kanilang dapat kumpletohin.

Pinagkalooban din ang mga kabataan ng tulong pinansyal upang magsilbing panimula sa kanilang kabuhayan at makatulong na maiwasan ang muling pagkakasangkot sa paglabag sa batas.

Ang naturang hakbang ay bahagi ng programang “Serbisyong Yorme, Lahat may Pag-asa at Pagkakataon,” na naglalayong bigyan ng pag-asa at pangalawang pagkakataon ang mga kabataang nagkamali upang maging responsableng miyembro ng lipunan.