LTFRB

LTFRB naglabas ng SCO sa jeep operator na sangkot sa aksidente sa Bataan

Jun I Legaspi Jul 16, 2026
29 Views

NAGLABAS ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa operator ng pampasaherong jeep na sangkot sa aksidente sa Bataan na ikinasugat ng 18 pasahero noong Hulyo 14.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ipinadala na ang SCO sa Dinalupihan-Olongapo Multipurpose Cooperative, ang operator ng pampasaherong jeep.

Batay sa imbestigasyon, bumangga ang jeep sa isang bus na nakaparada sa gilid ng kalsada bago ito sumalpok sa isang poste. Dahil dito, 18 katao, kabilang ang drayber, ang nasugatan.

Ayon kay Chairman Vigor, sisiyasatin ng LTFRB ang lahat ng pangyayaring humantong sa insidente, kabilang ang kondisyon at roadworthiness ng naturang pampasaherong jeep.

Nakasaad sa SCO na maaaring lumabag ang operator sa mga probisyon kaugnay ng kaligtasan sa kalsada, partikular sa obligasyon nitong tiyaking ligtas ang serbisyong ibinibigay sa mga commuter.