Mekaniko binaril, nalagutan ng hininga

25 Views

NASAWI ang 40-anyos na mekaniko matapos pagbabarilin ng hindi nakilala at nakatakas na salarin sa Sitio Militar, Brgy. Bahay Toro, Quezon City noong Miyerkules.

Kinilala ang biktima na si alyas Frank, ayon sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD).

Naganap ang pamamaril bandang alas-10:20 ng gabi.

Ayon sa pulisya, isang kapitbahay ng biktima ang nakarinig ng tatlong sunod-sunod na putok ng baril.

Nang buksan ang ilaw at sumilip, bumungad ang duguang katawan ng biktima na nakahandusay sa eskinita kaya humingi ng tulong ang saksi at rumesponde ang mga tauhan ng Project 6 Police Station.

Sa imbestigasyon sa pangunguna ni P/Maj. Eric Angay Angay, apat na basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa pamamaslang habang tinutugis ang suspek na nakatakas agad.