Calendar
Suspek sa pagpaslang ng ex-BIR exec gumamit ng G-Cash, natunton
NATUNTON sa GCash transaction ang suspek sa pagpatay sa isang 70-anyos na retiradong Bureau of Internal Revenue (BIR) commissioner at kanyang kasambahay sa Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), kinasuhan na ng two counts of murder at robbery ang 36-anyos na suspek na asawa ng pamangkin ng retiradong BIR commissioner.
Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit noong Hunyo 15, nagtungo sa bahay ang kaibigan ng retiradong BIR commissioner matapos itong hindi dumalo sa isang nakatakdang event noong Hunyo 14. Dahil walang sumasagot sa bahay, humingi ito ng tulong sa mga opisyal ng barangay at mga pulis na sapilitang pumasok sa bahay.
Doon natagpuan ang duguang bangkay ng dating commisioner sa dining area habang natagpuan namang wala nang buhay ang kaniyang kasambahay sa kanyang silid sa ground floor. Kapwa nagtamo ng mga hiwa at saksak sa leeg ang dalawang biktima.
Narekober sa crime scene ang dalawang kitchen knife, isang butcher’s knife, at isang putol na kitchen knife na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Sa karagdagang pagsisiyasat, nadiskubreng magulo ang tatlong silid sa ikalawang palapag ng bahay. Nakakalat ang mga walang lamang kahon ng alahas at nawawala ang mga alahas na dating laman ng mga ito, na nagpalakas sa hinalang pagnanakaw ang motibo sa krimen.
Ayon sa QCPD, agad na bumuo ng Special Investigation Team (SIT) na nagsagawa ng masusing imbestigasyon sa pamamagitan ng backtracking at forward-tracking ng CCTV footage, pangangalap ng forensic evidence, pagkuha ng mga salaysay ng saksi, at pagsusuri sa mga digital transaction.
Lumitaw sa imbestigasyon na ilang beses nagpalit ng damit ang suspek, sumakay sa iba’t ibang sasakyan, nagtungo sa isang apartelle sa San Jose del Monte, Bulacan, at kalaunan ay nagsagawa ng Pay & Go cash transfer sa isang Mercury Drug branch sa Novaliches gamit ang Globe mobile number na ginagamit ng pamangkin ng retiradong BIR commissioner.
Nabatid din na ang GCash account na pinaglipatan ng pera ay nakarehistro sa pangalan ng asawa ng gumagamit ng nasabing mobile number, na kalaunan ay nakilala bilang suspek.
Sa tulong ng CCTV footage, forensic evidence, at mga testigo, kabilang ang isang tricycle driver, taxi driver, at mga kaanak ng mga biktima na hiwalay na kumilala sa suspek, nabuo ng mga imbestigador ang sapat na ebidensiya upang sampahan ito ng kaukulang kaso.

