Kulong Kulungan ang kinahantungan ng isang suspek matapos umanong pagbantaang papatayin ang kanyang pamangkin sa Tondo, Manila. JONJON C. REYES

Tiyuhin nagbantang papatayin pamangkin dahil sa pagkain

Jon-jon Reyes Jul 24, 2026
45 Views

ASAN na ‘yung pagkain ko? Papatayin kita Tine!’

Ito umano ang sigaw ng isang tiyuhin sa kanyang pamangkin kung kaya’t dinampot ito ng mga operatiba ng MPD Moriones Police Station 2 sa Mabuhay St, Bgy. 39., Tondo, Manila.

Ang suspek ay nakilalang si alyas Joseph, 51, walang asawa, at residente ng Mabuhay Street, Bgy. 39, Tondo, Manila. Inireklamo siya ng kanyang pamangkin na nakilalang si alyas Tine, 24.

Base sa paunang imbestigasyon, nag-iigib ng tubig ang biktima mula sa gripo, nang sigawan siya umano ng kanyang tiyuhin bandang 3:40 p.m.

Nakatakabo ang biktima mula sa lugar at agad na iniulat ang insidente kina Pat. Mark Anthony V. Codera at Pat. Alsibli J Datu Hatta, ng Asuncion PCP, PS-2, MPD, na noon ay nagsasagawa ng foot patrol malapit sa lugar.

Inaresto ng mga operatiba ang suspek nang makita nila itong may hawak umanong itak at patuloy na pinagsasalitaan ng masama ang biktima.

Kasalukuyang inihahanda ng ng pulisya ang kasong paglabag sa Artikulo 282 ng Revised Penal Code o grave threat laban sa suspek.