Kaligtasan sa aviation papalakasin ng bagong simulators

Jun I Legaspi Jul 24, 2026
43 Views

LABIS ang pasasalamat ng mga estudyante ng Civil Aviation Training Center matapos ilunsad ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang bagong Aerodome, Enroute at Approach simulators, na layong matiyak na kumpleto at masusi ang pagsasanay ng mga air traffic controller sa mga paliparan.

Ito’y bilang tugon sa utos ng Pangulo na siguruhing maayos, handa at ligtas ang bawat byahe ng mga pasahero.

Binigyang diin ni Transportation Secretary Banoy Lopez na malaking bagay ang mga nasabing kagamitan para sa mga air traffic controller sa bansa.

“Mahalaga itong mga bagong simulator para mapalakas ang ating aviation safety. These simulators will help our air traffic controllers to be equipped with the best knowledge in air traffic.

Patunay po ito ng dedikasyon ng CAAP sa patuloy na pagpapahusay sa ating air traffic management system,” ayon kay Sec. Lopez.

Para sa estudyanteng si Harold, mapapadali na ang kanilang training dahil sa mga makabagong kagamitan.

“Para po sa aming mga trainees, ito po ay isang pribilehiyo na ibinigay nga po ng gobyerno. Kung wala po ito, maaari pong mas mahirapan po kami. Lalo na if ever, ii-imagine namin ‘yung mga scenarios, ii-imagine namin ‘yung mga mangyayari or situations na nangyayari talaga sa totoong operations po sa taas. Malaking tulong po siya, lalo-lalo na po kami po ‘yung unang gagamit. So, excited po kami para doon sa time na gagamitin na po namin ‘tong mga machines and yun nga po, ‘yung air traffic simulator po,” ani Harold.

Ayon naman sa estudyanteng si Cali, mas lalong naging efficient ang kanilang pagsasanay dahil sa mga bagong simulators.

“Before kasi, siyempre wala pa ‘tong simulator. Ang na-experience namin is meron kaming end diagram ng runway. Meron lang kaming diagram sa floor, and then meron kaming diecast ng aircraft. And then parang mano-mano lang namin mino-move ‘yung aircraft para, like, ma-run lang namin ‘yung scenario. So, more on imagination, more on sariling sikap talaga. But this time, parang, it’s very easier na, and mas efficient na ‘yung pag-training,” ani Cali.

Nagpasalamat din si Cali sa pamahalaan, DOTr at CAAP dahil sa oportunidad na ipinagkaloob sa mga katulad niyang scholar student na mapalad na mabigyan ng libreng training sa loob ng anim na buwan. Mayroong 65 trainees kada batch sa ilalim ng Comprehensive Air Traffic Service (CATS) ng CAAP.

“We are very thankful kasi free. And to have such sophisticated technology when it comes to, hindi namin kailangan maglabas ng kahit ng anong pera. Parang ang iisipin na lang talaga namin is mag-aral, pagbutihin. Kasi ito very ano eh, itong career path na ‘to, very critical. Safety ng mga pasahero, ng pilots. And parang message na rin sya sa public na ‘yung mga nagko-control ng flights niyo, ganito ‘yung training, very intensive. So parang mas mari-relieve kayo na safe talaga ‘yung magiging flights niyo. So, we’re very thankful, very honored, very privileged, and hindi po talaga namin sasayangin ‘to opportunity,” ayon kay Cali.

Tiyak na rin silang magkakaroon ng trabaho sa iba’t ibang paliparan sa bansa pagkatapos ng kanilang komprehensibong training sa CAAP.