Calendar
QC magpapatupad ng liquor ban sa SONA sa Hulyo 27
IPATUTUPAD ng Quezon City Police District (QCPD) ang liquor ban sa buong Quezon City ng Hulyo 27 para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay QCPD director P/BGen. Randy Glenn Silvio, epektibo ang pagbabawal sa pagbebenta, pamamahagi at pag-inom ng alak mula alas-12:01 ng madaling araw hanggang alas-6 ng gabi ng nasabing petsa alinsunod sa Executive Order No. 24, Series of 2026 na inilabas ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Layunin ng liquor ban na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang anumang insidente na maaaring makaapekto sa seguridad sa araw ng SONA.
Nagbabala ang QCPD na mananagot ang sinumang indibidwal o establisimyento na lalabag sa kautusan at mahaharap sa kaukulang parusa sa ilalim ng batas at mga ordinansa.
“Sa lahat ng QCitizens, please be guided by the ordinances implemented by the city government upang maiwasan ang anumang kaguluhan at maisakatuparan nang payapa, maayos at ligtas ang SONA 2026,” ani Silvio.
Hinikayat din ng QCPD ang publiko na iulat ang anumang paglabag o kahina-hinalang aktibidad sa E911 o QC Helpline 122.
