Australian inireklamo ng rape, arestado

Edd Reyes Jul 26, 2026
64 Views

TIKLO ang 62-anyos na Australian national matapos ireklamo ng panghahalay ng 43-anyos na ginang noong Sabado sa Pasay City.

Sa tulong ng mga security personnel ng condominium na tinutuluyan ng dayuhan sa Barangay 76, nadakip ng mga tauhan ni Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto ang suspek na si alyas “Nedal.”

Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nagtungo ang biktima sa unit sa condominium ni alyas Nedal dakong alas-7:20 ng gabi upang talakayin ang posibleng pagsasanay sa gymnastics ng kanyang anak na babae sa tulong ng dayuhan,

Sa gitna ng kanilang pag-uusap, bigla na lamang umanong pinuwersa ng suspek ang biktima patungo sa kama at dito isinagawa ang panghahalay sa kabila ng pagpupumiglas ng ginang.

Nang makagawa ng paraan ang biktima na makalabas ng unit sa kabila ng patuloy na pagpigil sa kanya, dito na humingi ng tulong ang ginang sa security personnel ng condominium na silang nagdala sa suspek sa Pasay Police Sub-Station-10.

Iprinisinta ng pulisya sa Pasay City Prosecutor’s Office ang dayuhan para sa inquest proceedings kaugnay sa ihahain sa kanyang kasong Rape sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code.