LTFRB

Sanhi ng pag-araro ng bus sa concerte barriers: driver nakatulog

Jun I Legaspi Jul 27, 2026
17 Views

SINUSPINDE ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, sa loob ng 30 araw ang operasyon ng pampasaherong bus na umararo sa 11 concrete barrier ng EDSA Busway malapit sa Quezon Avenue sa Quezon City

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, naglabas na ang ahensya ng show cause order (SCO) laban sa Partas Transportation Co., Inc., operator ng bus na nasangkot sa insidente bandang alas-3:30 ng madaling araw noong Linggo, Hulyo 26.

“Sa kasong ito, sisiyasatin natin kung may kapabayaan sa pagpili ng mga driver o kung may kinalaman ang haba ng kanilang oras sa pagmamaneho. Nais nating malaman ang buong detalye, at lalabas ito sa isinasagawang imbestigasyon,” ani Chairman Vigor.

Batay sa paunang ulat, binabagtas ng bus ang southbound lane ng EDSA mula sa Quezon Avenue Flyover patungong Timog Avenue nang maganap ang insidente.

Ayon sa mga imbestigador, hinihinalang nakatulog ang driver habang nagmamaneho, na siyang naging sanhi ng aksidente.

Sinabi ni Chairman Vigor na paglabag ito sa umiiral na mga patakaran sa ligtas na pampublikong transportasyon at maituturing ding reckless driving.

Sa inilabas na SCO, inatasan ang operator na magpaliwanag sa loob ng tatlong araw mula sa pagtanggap nito kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang prangkisa nito kaugnay ng insidente. Ipinataw din ng LTFRB ang 30-araw na preventive suspension sa naturang bus.

Inatasan din ang operator na ipasailalim ang driver sa road safety seminar at drug test, at isumite ang mga dokumentong may kaugnayan sa roadworthiness at maintenance ng nasabing yunit.

Inatasan din ang operator na isuko ang plaka ng sangkot na bus upang matiyak ang pagsunod sa ipinataw na preventive suspension.

Dagdag pa ni Chairman Vigor, ipapaalala rin sa operator sa pagdinig na itinakda sa Agosto 6 ang obligasyon nitong bayaran ang mga nasirang ari-arian ng pamahalaan.