Pulis

Pulis pauwi mula SONA, nagulungan ng truck, dedo

Edd Reyes Jul 28, 2026
96 Views

TruckPATAY ang 31-anyos na bagitong pulis na pauwi na sakay ng kanyang motorsiklo nang magulungan ng nakasagiang 10-wheeler truck Martes ng madaling araw sa Caloocan City.

Hindi na umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si alyas “Chris”, residente ng Padas St. Caloocan City at may ranggong Patrolman na nakatalaga sa Admin Holding Unit-Regional Mobile Force Battalion (AHU-RMFB) ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa katawan.

Sa nakarating na ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, pauwi na matapos matalagang magbantay sa SONA ang biktima at tinatahak ang C3 Road dakong alas-2:10 ng madaling araw nang sumagi ang kanang bahagi ng kanyang motor sa kaliwang bahagi ng rumaragasang 10-wheeler truck pagsapit sa kanto ng Perpetua St.

Dahil sa pagkakabangga, nahulog sa motorsiklo ang biktima kaya’t nagulungan siya ng hulihang gulong ng truck na minamaneho ni alyas “Kevin”, 37, residente ng Porac, Pampanga.

Pinasasampahan na ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and damage to property ang driver ng truck sa Caloocan City Prosecutor’s Office.