Calendar
Las Pinas nakipag-ugnayan sa otoridad vs video ng pagbabanta sa mga paaralan

KINONDENA ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ang anumang uri ng banta, pananakot, at pagpapakalat ng mga hindi angkop na mensahe o video na nagdudulot ng panganib at takot sa mga mag-aaral at sa buong pamayanan ng mga paaralan.
Sa opisyal na pahayag ng tanggapan ni Las Piñas City Mayor April Aguilar, kanilang nabatid ang kumakalat na video na naglalaman ng pagbabanta sa kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa hindi na binanggit na mga paaralan kaya’t agad silang nakipag-ugnayan sa mga Punong-guro, sa barangay, kapulisan, PNP Cyber Crime Group, at Bahay Pag-asa upang matugunan at maaksyonan ang insidenteng ito alinsunod sa umiiral na mga regulasyon ng Kagawaran ng Edukasyon, partikular ang DepEd Order 6, s. 2026 (Guidelines on Ensuring A Safe and Motivating Learning Environment).
Bukod pa rito, alinsunod sa DepEd Order 7, s. 2026, (Media Management Guidelines) at sa Data Privacy Act of 2012 (RA 10173), mahigpit na pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ang publiko na iwasan ang pagbabahagi, pagpapasa (re-sharing), o pagkokopya ng anumang video sa mga pampubliko o digital na mga platform, upang mapangalagaan ang karapatan, dignidad, at mental na kalusugan ng mga sangkot na menor de edad.
Sa huli, sinisiguro ng School Diviwion Office (SDO)-Las Piñas ang pagpapatupad ng mga patakaran sa seguridad at pagrepaso sa access control sa paaralan upang matiyak na mananatiling ligtas at payapa ang kapaligiran ng pagkatuto.

