Calendar
Madrona, pinarangalan ng PRO MIMAROPA sa pagtatapos ng Police Community Relations Month
DUMALO si Romblon Lone District Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona sa pagdiriwang ng pagtatapos ng ika-31 Police Community Relations (PCR) Month ng Police Regional Office (PRO) MIMAROPA, kung saan kinilala siya sa kanyang patuloy na suporta sa mga programang nagpapalakas ng ugnayan ng kapulisan at komunidad.
Isinagawa ang programa sa Camp BGen Efigenio C. Navarro sa Calapan City na may temang “Sa Bagong Pilipinas, Ugnayang Pulis at Mamamayan: Tapat, Maaasahan at Nararamdaman ng Bayan,” na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagtutulungan ng pulisya at mamamayan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Kabilang sa mga dumalo sa programa sina Atty. Glocyphine A. Chavez-España, Acting Regional Director ng National Police Commission (NAPOLCOM) MIMAROPA; Sangguniang Panlalawigan Member Jojo Beltran III at mga kinatawan mula sa iba’t ibang pambansang ahensiya, lokal na pamahalaan, at mga katuwang na organisasyon.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni PBGen. Christopher R. Dela Cruz, Regional Director ng PRO MIMAROPA, na ang pagdiriwang ng Police Community Relations Month ay nagsisilbing paalala na ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ay hindi lamang tungkulin ng kapulisan kundi pananagutan din ng buong komunidad.
Aniya, mahalaga ang tiwala at aktibong pakikipagtulungan ng mamamayan upang maging mas epektibo ang pagpapatupad ng mga programa para sa seguridad at kaayusan.
Sa naturang okasyon, ginawaran si Madrona ng Stakeholder Award for Calendar Year 2026 bilang pagkilala sa kanyang patuloy na suporta sa mga inisyatibong nagpapatibay sa ugnayan ng pulisya at komunidad at sa pagsusulong ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Sa pagtatapos ng programa, muling pinagtibay ng mga kalahok ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng Philippine National Police (PNP), mga lokal na pamahalaan, at iba pang katuwang na sektor upang mapanatili ang isang ligtas, maayos, at mapayapang pamayanan sa MIMAROPA.
