Sunog

Mag-asawang lolo, lola nasawi sa sunog sa QC

37 Views

NASAWI ang mag-asawang senior citizen matapos silang ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Greater Fairview, Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa inisyal na report ang mga biktima ay 91-anyos na lalaki at ang kanyang 92-anyos na misis.

Sa salaysay ng kasambahay ng mag-asawa sa mga imbestigador iniwan niya ang dalawa pasado ala-singko ng hapon para magsimba.

Pagbalik nya ng alas-7:17 ng gabi ay nadatnan na lamang niyang nilalamon ng apoy ang bahay kaya agad siyang humingi ng saklolo.

Rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at idineklarang fire out ang sunog dakong alas-8:37 ng gabi. Sa clearing operation, natagpuan ang wala nang buhay na mag-asawa sa loob ng bahay.

Sa paunang imbestigasyon ng BFP, hinihinalang nagsimula ang apoy sa likurang bahagi ng bahay, ngunit patuloy pang inaalam ang eksaktong sanhi at pinagmulan nito.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng matitinding paso ang dalawang biktima.

Samantala, boluntaryong lumagda ng waiver ang anak ng mag-asawa na nagsasaad na hindi na sila magsasagawa pa ng hiwalay na imbestigasyon kaugnay ng insidente.