Banta

Mga estudyante sa Grade 7 tinakot na sasaksaking mga mga Grade 9 students

Edd Reyes Aug 3, 2026
35 Views

NAGSASAGAWA ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa mensaheng lumabas sa Instagram hinggil sa bantang pananaksak sa dalawang Grade 7 na estudyante ng Muntinlupa Business High School (MBHS) sa Muntinlupa City.

Isinagawa ang malalimang pagsisiyasat matapos mag-post sa kanyang Facebook account noong Agosto 1 ang isang babaeng estudyante na humihingi ng tulong sa Barangay Captain kaugnay na ipinakita niyang screenshot ng pagbabanta ng isang alyas “Brent” sa Instagram na sasaksakin niya, kasama ang isa pang ka-klase, ang babaeng estudyante ng Grade 7 MBHS sa Lunes, Agosto 3.

Nangamba si Lopena sa banta ni alyas Brent na marami sila sa Grade 9 na mananaksak ng mga Grade 7 lalu na’t may anak siyang Grade 7 sa naturang paaralan.

Napag-alaman na alam na rin ng Guidance Office ng paaralan ang pagbabanta nang magtungo roon si Lopena para magsumbong at gumagawa na rin ng mga hakbang ang tanggapan para sa seguridad ng mga estudyante.

Tiniyak naman ng Muntinlupa police ang agarang pagpapatupad ng police visibility at foot patrol sa paligid ng paaralan at kalapit na lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, mga guro, at staff.

Hindi na rin mabuksan ng pulisya ang Instagram account ni alyas Brent kaya’t humingi na rin ng tulong ang Muntinlupa police sa PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek.