Edd Reyes

Baha sa Maynila pinagkakakitaan

Edd Reyes Aug 5, 2026
31 Views

HINDI naman pala kaila sa Manila Electric Company (Meralco) ang ginagawang pagnanakaw ng kuryente ng ilang mga opisyal ng barangay sa Maynila.

Hindi naman apektado ang Meralco, maging ang gumagawa o nagsu-supply ng kuryente, dahil nasisingil naman nila umano ang nanakaw na kuryente sa pamamagitan ng system loss charge na binabalikat ng mga consumer na legal ang konekiyon ng kuryente.

Sumbong ng mga kinatawan ng Meralco kay Mayor Isko Moreno, may ilang mga opisyal daw ng barangay sa lungsod na may ilegal na koneksiyon ng kuryente sa mismo nilang tirahan at ang mga ito pa raw ang pasimuno na hadlangan at antalahin ang kanilang operasyon laban sa illegal connection.

Kapag ganito ang kostumbre ng Punong Barangay, hindi malayong gayahin siya ng mga residente sa kanyang nasasakupan kaya dapat sigurong matukoy at pangalanan na kung sino itong mga dorobong Kabesa ng barangay.

Ngayon kasing may pangako na si Mayor Isko na bibigyan niya ng proteksiyon ang Meralco sa isasagawa nilang operasyon laban sa mga nagnanakaw ng kuryente, wala na sigurong dahilan para maantala pa ang pagtugis sa mga kawatan ng kuryente sa lungsod, kahit sino pa sila.

Pagbaha sa ilang mga lugar sa Metro Manila, sinasabotahe?

HINDI na bago ang inihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III na sinasadyang barahan ng mga naghahangad kumita ang ilang mga imburnal at kanal sa ilang bahagi ng Kamaynilaan.

Ayon kay GM Torre, pinagkakakitaan daw kasi ng ilan ang mga pagbaha dahil kapag tumirik ang sasakyan sa lalim ng tubig-baha, dito na papasok ang mga tulak boys na kailangang bayaran ng may-ari ng tumirik na sasakyan patungo sa ligtas na lugar.

Ang hindi nabanggit ni GM Torre, bukod sa pagtutulak ng tumirik na sasakyan, mas malaki ang kinikita ng mga naglalagay ng tulay sa binabahang lansangan para lakaran ng mga estudyante at mga kawani na kailangang magbayad para hindi mababad sa baha ang kanilang paa.

Matagal ng nangyayari ang sadyang paglalagay ng bara sa mga imburnal noong mga nakaraan pang panahon sa Maynila pero dahil bistado na sila ng opisyal ng barangay at kapulisan, nabawasan na ang ganitong uti ng raket sa lungsod.

Bukod dito, may ilang mga sumabotahe noon sa maayos na daloy ng tubig sa imburnal at kanal sa Maynila ang inabot na rin ng karma matapos madale ng sakit na leptospirosis. Nakababad kasi sila sa tubig-baha habang naniningil sa mga inilagay na tulay o sa paghihintay sa tumitirik na sasakyan.

Naaalala ko pa noon ang nakikita kong paglalatag ng tulay ng mga batang lansangan sa mga binabahang kalye ng T.M.Kalaw, Taft Avenue, at Rizal Avenue upang madaanan ng mga tao na umiiwas lumusong sa baha patawid sa kabilang lansangan, kapalit ng pagbabayad

Kaya tama si GM Torre na posibleng may ganito pa ring raket dahil hindi lang naman ang Maynila ang binabaha kundi maraming lungsod sa Metro Manila na dahilan para magpatawag siya ng imbestigasyon para matukoy ang gnagawang pananabotahe sa maayos na daluyan ng tubig.

Nagdagdag na rin ang MMDA ng kanilang mga tauhan na tututok sa ganitong problema lalu ngayong panahon ng tag-ulan nang sa gayon ay matigil na ang ganitong raket na hindi lang nakakaperhuwisyo sa gobyerno kundi higit sa lahat, sa taumbayan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com