Panday

Villafuerte, Poe isinusulong National Cybersecurity Agency

Mar Rodriguez Aug 6, 2026
61 Views

ISINUSULONG Camarines Sur 5th District Rep. Miguel Luis Villafuerte at FPJ Panday Bayanihan Party List Rep. Brian Poe ang pagtatatag ng isang National Cybersecurity Agency (NCSA) upang palakasin ang depensa ng bansa laban sa lumalalang banta ng mga cyberattack, kasunod ng pag-apruba ng Kamara sa ikalawang pagbasa ng House Bill No. 9605 o ang National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act of 2026.

Layunin ng panukala na likhain ang NCSA bilang pangunahing ahensiyang mangunguna sa pagpapatupad ng mga polisiya sa cybersecurity, pambansang koordinasyon, at pangangalaga sa mga kritikal na information infrastructure ng bansa.

Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Villafuerte na ang cybersecurity ay hindi na lamang usapin ng information technology kundi isa nang mahalagang usapin ng pambansang seguridad, dahil nakasalalay na sa mga digital system ang mahahalagang serbisyo tulad ng pananalapi, kalusugan, transportasyon, enerhiya, at iba pang serbisyo ng pamahalaan.

“Ang tanong ngayon ay hindi na kung magkakaroon pa ba tayo ng malaking cyberattack. Ang tanong ay kung handa ba ang ating bansa kapag ito ay dumating,” ani Villafuerte.

Ayon sa kanya, palalakasin ng panukalang batas ang pambansang koordinasyon, pagtugon sa mga cyber incident, at magtatakda ng minimum cybersecurity standards para sa mga kritikal na information infrastructure ng bansa.

Samantala, binigyang-diin naman ni Poe ang sunod-sunod na cyberattack na tumama sa Kongreso nitong mga nakaraang taon, kabilang ang pag-deface sa website ng House of Representatives noong 2023 at ang magkahiwalay na pag-atake sa mga website ng Senado at Kamara noong Hunyo 2026.

“Ang cybercrime ay hindi na isang hiwa-hiwalay o paminsan-minsang banta. Ito ay naging organisado, malawakan, at lalong nagiging sopistikado,” ang pahayag naman ni Poe.

Binigyang-babala rin niya na habang ginagamit ng mga cybercriminal ang partificial intelligence (AI), cloud technologies at iba pang digital platforms upang palawakin ang kanilang mga pag-atake, hindi na maaaring manatiling watak-watak ang cybersecurity framework ng Pilipinas.

Ayon kay Poe, kailangan ng bansa ang isang pinag-isang estratehiya sa cybersecurity, sentralisadong koordinasyon, at mas matibay na proteksyon sa mga kritikal na digital infrastructure bago pa magkaroon ng isang cyberattack na maaaring makaapekto sa mahahalagang serbisyo publiko at pambansang seguridad.

Kahapon, inaprubahan ng plenaryo ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang House Bill No. 9605 o ang National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act of 2026.