Chiz

House records kinilala ng Senate coury, pero mga paratang kailangan patunayan

66 Views

KINILALA ng Senate impeachment court ang pag-iral ng mga pagdinig sa Kamara at mga kaugnay na rekord sa kaso laban kay Vice President Sara Duterte ngunit hindi nito pinatutunayan ang katotohanan ng mga paratang na nakapaloob sa mga ito.

Pinagbigyan ni Presiding Officer Senator-judge Francis “Chiz” Escudero ang mosyon ng prosekusyon na kumuha ng judicial notice sa mga pagdinig sa Kamara, kabilang ang mga transcript, audiovisual recording at committee report.

Nilimitahan niya ang ruling sa dalawang bagay: isinagawa ng House Committee on Good Government and Public Accountability at Committee on Justice ang mga pagdinig bilang bahagi ng kanilang opisyal na tungkulin, at umiiral ang mga kaugnay na rekord.

Hindi kinikilala ng hukuman bilang totoo ang mga pahayag na ginawa sa mga pagdinig o ang mga factual allegation, finding at conclusion sa mga rekord.

Ayon sa kanya, kailangan pa ring patunayan ang mga paratang, finding at conclusion at maaari pa rin itong tutulan sa hukuman.

Hindi kailangang patunayan ng prosekusyon na isinagawa ang mga tinukoy na pagdinig o na umiiral ang mga opisyal na rekord ngunit kailangan pa rin nitong magharap ng competent evidence upang patunayan ang mga pinagtatalunang claim.

Nagbabala siyang hindi maaaring gamitin ang judicial notice upang maipasok sa impeachment record ang mga pahayag at paratang mula sa mga transcript, recording o committee report.

Hindi maaaring basahin ng isang testigo sa open court ang pahayag ng isang third party kung mawawalan si Duterte ng pagkakataong pasinungalingan ito o i-cross-examine ang gumawa ng pahayag.

Ipinaalala niya sa prosekusyon na hindi nito maaaring sabihin o ipahiwatig na pinatunayan ng pagkilala ng hukuman sa mga rekord ang anumang paratang na nakapaloob sa mga ito.

Tatanggihan ng hukuman ang anumang pagtatangkang gamitin ang ruling sa ganitong paraan, ayon kay Escudero.

Idinagdag niyang nananatili kay Duterte ang karapatang tumutol at harapin ang ebidensyang ihaharap laban sa kanya.