Barbers

Barbers: Dapat panagutan pinal na desisyon ng COA sa disallowed confidential funds

Mar Rodriguez Aug 6, 2026
59 Views

IGINIIT ni House Prosecution Panel spokesperson – impeachment adviser at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers na dapat sumunod at managot ang mga sangkot sa pinal na desisyon ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng mahigit ₱400 milyong confidential funds na na-disallow, kasunod ng mga naging testimonya sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte sa Senado.

Ayon kay Barbers, lalong pinagtibay ng testimonya ni State Auditor Atty. Roderick Wamil ang panawagan ng publiko para sa pananagutan matapos nitong ihayag sa impeachment court na ibinasura na ng COA ang apela ng Bise Presidente laban sa Notice of Disallowance dahilan upang maging pinal at maipatupad ang desisyon.

“Kung pinal at executory na ang desisyon ng COA, isang mahalagang tanong ang dapat sagutin: Bakit hindi pa naibabalik sa pamahalaan ang mga na-disallow na pondo ng publiko?” ani Barbers.

Ang usapin, sabi pa ni Barbers, ay hindi na lamang kung tama ba ang paggamit ng confidential funds, kundi kung susundin ba ang pinal na desisyon ng pinakamataas na constitutional auditing body ng bansa.

“Walang opisyal ng gobyerno, gaano man kataas ang posisyon o impluwensiya, ang dapat malibre sa pagsunod sa isang pinal na desisyon ng COA,” pagbibigay diin ni Babers.

Sinabi rin ni Barbers na dahil sa laki ng confidential funds na ipinagkatiwala sa Office of the Vice President, mas mataas din ang inaasahang antas ng pananagutan at pagsusuri ng publiko.

“Habang lumalaki ang pondong ipinagkakatiwala sa isang opisyal, lalo ring lumalaki ang responsibilidad nitong ipaliwanag ang bawat pisong ginastos at sumunod sa bawat legal na kautusan ng mga kinauukulang awtoridad,” aniya.

Binigyang-diin din niya na ang pagsunod sa Konstitusyon at sa mga batas ay pangunahing tungkulin ng bawat lingkod-bayan.

“Lahat ng opisyal ng gobyerno—mula sa pinakamababang kawani hanggang sa pinakamataas na halal na opisyal, kabilang ang Pangalawang Pangulo—ay nanunumpang tapat na gagampanan ang kanilang tungkulin at susunod sa Konstitusyon at mga batas ng Republika. Kabilang dito ang pagsunod sa mga legal na kautusan at pinal na desisyon ng ating mga constitutional bodies. Walang exemption ang sinuman sa rule of law,” sabi pa nito.

Idinagdag pa ni Barbers na ang pondo ng bayan ay hawak lamang ng mga opisyal bilang isang tiwala mula sa mamamayan.

“Ang bawat piso ng pondo ng bayan ay dapat maayos na ma-liquidate, ang bawat disallowance ay dapat tugunan, at ang bawat legal na utos ng Commission on Audit ay dapat igalang at ipatupad. Ang testimonya sa Senado ay nagpapaalala na ang pananagutan ang pundasyon ng tunay na serbisyo publiko. Karapat-dapat ang mga Pilipino sa ganap na transparency, tapat na paliwanag, at buong pagsunod sa batas,” pagtatapos ni Barbers.

To God be the Glory