Ph-Japan

Reso para sa 70th anibersaryo ng PH-Japan ties ipinagkaloob sa Japanese envoy

Mar Rodriguez Aug 6, 2026
56 Views

PORMAL na ipinagkaloob ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III kay Japanese Ambassador Kazuya Endo ang kopya ng House Resolution No. 1274 na kumikilala sa matatag na pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan at nagbibigay-pugay sa ika-70 anibersaryo ng normalisasyon ng diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa.

Ang resolusyon, na inakda nina Speaker Dy, House Majority Leader – Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos at 4Ps Party List Rep. Marcelino “Nonoy” C. Libanan ay pinagtibay ng Mababang Kapulungan noong Agosto 4.

Kinikilala sa resolusyon ang pitong dekada ng pagkakasundo, pagtutulungan, at matibay na ugnayan ng Pilipinas at Japan. Muling pinagtitibay rin nito ang pangako ng dalawang bansa na palalimin pa ang kanilang kooperasyon tungo sa kapayapaan, kaunlaran, at pag-unlad na kapwa pakikinabangan.

Binibigyang-diin din ng resolusyon ang mahalagang ambag ng Japan sa Pilipinas sa larangan ng pagpapaunlad ng imprastraktura, kooperasyong pang-ekonomiya, paghahanda sa mga kalamidad, edukasyon, palitang pangkultura, pangangalaga sa kalikasan, at kooperasyon sa seguridad.

Kinikilala rin nito ang matatag na ugnayan ng House of Representatives ng Pilipinas at ng National Diet ng Japan, gayundin ang matibay na people-to-people ties na patuloy na nagpapatibay sa relasyon ng dalawang bansa.

Personal na iniabot ni Speaker Dy ang kopya ng House Resolution No. 1274 kay Ambassador Endo sa Embahada ng Japan sa Maynila bilang simbolo ng pasasalamat at pagpapahalaga ng Kamara sa isa sa pinakamalapit at pinakamatagal na katuwang ng Pilipinas sa larangan ng pagkakaibigan at kooperasyon.

To God be the Glory