Taxi

LTFRB sinuspinde operasyon ng taxi, driver naningil ng P2K para sa 5 minutong biyahe

Jun I Legaspi Aug 8, 2026
50 Views

SINUSPINDE ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, sa loob ng 30 araw ang operasyon ng isang taxi matapos umanong maningil ng P2,000 sa isang dayuhang turista para sa limang minutong biyahe mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, agad naglabas ang ahensya ng show cause order (SCO) laban sa operator matapos mamonitor ng LTFRB social media team ang vlog tungkol sa insidente.

Bukod sa paniningil ng sobrang pasahe, iniulat din sa vlog na pinasakay ng driver ang isa pang tao sa taxi.

“Malinaw itong paglabag sa mga patakaran at regulasyon ng prangkisa. Walang pasahero, lalo na ang mga dayuhang turistang dapat nating malugod na tinatanggap sa bansa, ang nararapat tratuhin nang ganito,” ani Chairman Vigor.

“Ngunit bibigyan natin ng pagkakataon ang operator na magpaliwanag bilang bahagi ng due process. Samantala, pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng nasabing taxi,” dagdag niya.

Sa inilabas na SCO, inatasan ang operator na isuko sa LTFRB ang plaka ng taxi at isailalim sa drug test ang driver na sangkot sa insidente.

Pinagpapaliwanag din ang taxi operator kung bakit hindi ito dapat patawan ng kaukulang parusa dahil sa umano’y kabiguang magbigay ng ligtas, maaasahan at maginhawang serbisyo, gayundin sa umano’y paniningil ng sobrang pasahe.

Itinakda sa Agosto 19 ang pagdinig, kung saan inaasahang magsusumite ang operator ng notarized na paliwanag hinggil sa insidente.

Nagbabala naman si Chairman Vigor sa mga operator at driver ng taxi na mahigpit na sumunod sa mga patakaran, dahil hindi mag-aatubili ang LTFRB na magsuspinde o magbawi ng prangkisa laban sa mga mapapatunayang lumalabag.

Hinimok din niya ang publiko na agad ireport sa LTFRB ang anumang pang-aabuso ng mga driver ng pampublikong sasakyan. Tiniyak niya ang mabilis na pagtugon sa mga reklamo sa pamamagitan ng hotline 1342 at online platforms.