Holdup

Holdup suspek na mainit ang pangalan sa Maynila, nasukol na

Edd Reyes Aug 8, 2026
48 Views

ARESTADO ang 59-anyos na notoryus na holdup suspek nang masukol sa pinagtataguang lugar Biyernes ng hapon sa Taguig City.

Hindi na nakaporma si alyas “Poknat” nang isilbi sa kanya ng mga tauhan ni Makati police chief P/Col. Pedro Alagano, Jr. ang warrant of arrest na inilabas ni Manila Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ryan Philipp Lao Bartolome ng Branch 30 para sa kanyang kinakaharap na kasong robbery holdup sa Maynila dakong ala-1:10 ng hapon sa Guiho Extension, Barangay Cembo, Taguig City.

Pinuri ni Southern Police District (SPD) Director P/Col. Glenn Oliver Cinco ang Makati police sa pagtugis sa akusado na suspek din sa ilang naganap na panghoholdap sa mga Lungsod ng Makati at Taguig matapos uminit ang kanyang pangalan sa Maynila.

May inilaan naman piyansang P100,000 ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

Nakapiit sa custodial facility ng Makati Police Station si alyas Poknat habang hinihintay ang paglalabas ng commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Manila City Jail.