Arestado

13 naka-detain sa kampanya ng Ecija parak kontra krimen

Steve A. Gosuico Aug 8, 2026
67 Views

CAMP GEN. MARIANO N. LLANERA, Cabanatuan City – Labing-tatlong hinihinalang lumabag sa batas ang nasakote ng Nueva Ecija police kabilang ang tatlong tulak at isang wanted person sa hiwalay na operasyon nitong Biyernes at Sabado, ayon kay Nueva Ecija top cop Col. Ritchie R. Claravall.

Sa kabuang 13 na nahuli, tatlo ang nasakote sa magkasunod na buy-bust operation na ikinasa sa Jaen at Licab kung saan nakumpiska ang tatlong gramo ng shabu katumbas ng P20,400.

Samantala, pitong suspect ang natimbog sa bisa ng manhunt Charlie operations sa Cabanatuan City (Most Wanted R.A. 9165-1, Estafa-1), San Jose City (City Ordinance-1), Cuyapo (R.A. 10175-1), Talavera (Theft-1), Rizal (Estafa-1), at Science City of Munoz (Slight Physical Injuries-1).

Bukod dito, dalawang indibidwal na may kasong carnapping sa Science City of Muñoz and isang lalaki sa General Tinio na may search warrant para sa baril ang tiklo ng awtoridad.

Nagresulta ang operasyon sa pagrekober ng isang tricycle at isang homemade cal. 38 rebolber na may tatlong bala.

“Patunay ito na nananatiling pro-aktibo ang NEPPO sa paglaban sa krimen, pinapanatiling mas ligtas ang Nueva Ecija araw-araw,” pahayag ni Claravall.