Calendar
Hindi tayo lulunurin ng ating takot kung nakatuon ang ating paningin sa Diyos (Mateo 14:22-33)
“KINILABUTAN sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. Multo!” sigaw nila. Ngunit nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!” (MATEO 14:26-27)
NORMAL sa tao ang makaramdam ng takot. Walang tao ang hindi natatakot, may ilan ang kayang labanan ang kanilang takot. Samantalang ang iba naman ay unti-unting nagagapi at nilalamon ng kanilang mga takot. Natatakot sila sa maraming bagay na kung tutuusin ay normal na mararanasan natin habang tayo ay naririto sa ibabaw ng lupa.
At kapag tayo ay tuluyan ng nilamon o kaya’y hinayaan natin na mangibabaw ang ating kinatatakutan. Hindi na tayo nakakapag-isip ng tama para makahanap ng solusyon sa ating kinatatakutan na tumutukoy sa mga problemang dumarating sa ating buhay, at nang dahil sa ganiyang sistema. Nadidiskaril na ang ating pagdedesisyon para tugunan ang ating takot o problema.
Subalit kung mangingibabaw lamang ang ating katatagan at lakas ng loob. Ang anomang takot o hagupit ng problema, malaki man o maliit. Hindi tayo matitinag sapagkat sa pamamagitan ng katatagang iyan. Matatag din at matibay ang ating pananampalataya sa Panginoong Diyos na hindi niya tayo pababayaan kahit gaano pa lakas ang “bagyong” nararanasan natin sa ating buhay.
Ganito ang ating mababasa at matutunghayan sa Mabuting Balita (Mateo 14: 22-33) tungkol sa pagkatakot ng mga Alagad ni Jesus nang makita nilang may naglalakad sa ibabaw ng tubig. Hindi nila nakitang ang Panginoon iyon, at sa halip- inakala nilang ito’y isang “Multo” kung kaya’t sila’y nilamon ng matinding takot. Subalit ano ang sinabi sa kanila ni Jesus? “Huwag kayong matakot, ako ito”. Kaya pagkatapos nuon, ang mga Alagad ay napanatag.
TAYO ANG GUMAGAWA NG ATING KINATATAKUTAN:
ANO nga ba ang mga nagagawa o naiisip nating solusyon sa mga oras na tayo ay natatakot o hinahagupit ng ating mga problema? Ano ang ginagawa natin para pawiin ang ating takot? Hindi ba’t wala? Ang tanging nangingingibabaw ay ang takot mismo. Duon nagsisimula at duon narin natatapos. Kadalasan, tayo narin mismo ang gumagawa ng ating sariling takot.
Natatakot tayong maubusan ng pera, pero hindi naman tayo nag-iisip ng mga paraan para kumita o kaya’y magkaroon ng kaunti at simpleng hanap buhay. Natatakot tayong mawalan ng pagkain, pero yung kakarampot na perang mayroon tayo. Inuubos natin sa alak, sa sugal at sa iba pang mga bisyo.
Natatakot tayo pero minsan hindi natin nilalabanan ito at sa halip ay hinahayaan na lamang natin na alipinin tayo ng ating mga takot na kung tutuusin ay kayang kaya naman nating solusyunan.
Minsan naman, tayo narin ang may kagagawan kung bakit tayo natatakot. Natatakot tayong magkasakit. Ngunit, hindi naman natin iniingatan ang ating mga sarili. Masyado nating inaabuso ang ating katawan. Natatakot tayong magka-cancer, pero wala tayong tigil sa pagsisigarilyo, natatakot tayong magka-high blood. Pero wala tayong kontrol sa pagkain ng mga matataba at natatakot tayong mamatay pero hindi naman tayo maingat sa ating pagmamaneho o pagmo-motor – para tayong “kamote rider”.
Hindi tayo pangingibabawan ng takot kung tayo mismo sa ating mga sarili ay kayang labanan at kontrolin ang ating mga takot. Sa atin magsisimula ang paggapi sa takot na iyan, tayo mismo ang kikilos para labanan ang ating mga takot.
EXTRA STRONG KAY LORD:
Ang takot na binabanggit sa Ebanghelyo ay ang takot na dumarating ng hindi natin inaasahan tulad ng takot na naramdaman ng mga Alagad. Magkagayunman, kailangan parin ang ating katatagan at pananampalataya – kailangan ang “extra strong” na pananalig kay Lord na hinding-hindi niya tayo pababayaan dumating man ang takot o problemang ito, kailangan lamang natin maging matibay.
PANANALIG:
Minsan, natatakot tayo marahil kulang ang ating pananalig sa Diyos. Ang anomang kulang ay kailangang dagdagan, dagdagan natin ang ating pananalig para hindi tayo lamunin ng takot. Nang dahil sa pananalig na iyan, naniniwala tayong nasa tabi lang natin ang Diyos. Gaya ng sinabi niya. “Huwag kayong matakot, ako ito!” Bakit ka pa matatakot?
PAGTITIWALA:
Kung tayo ay mayroong matibay na pananalig sa ating Panginoong Diyos at lubos na pagtitiwala. Ano pa ang ating dapat katakutan?
Tandaan lamang natin na mas malakas ang kapangyarihan ng ating Panginoon kesa sa anomang takot, problema o unos na nararanasan natin sa ating buhay. Kailangan natin ang 100 porsiyentong pagtitiwala sa Diyos. Ipagkatiwala natin sa kaniya ang lahat at asahan niyo: ang ating takot ay unti-unting mawawala at ito ay mapapalitan ng “TIWALA”.
NAKA-POKUS LANG KAY LORD:
“NGUNIT nang mapansin ni Pedro ang malakas na hangin. Siya’y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin niyo ako!” Sigaw niya. (MATEO 14:30)
Minsan, katulad din tayo ni Pedro. Nawawala ang ating pokus sa Diyos kapag dumarating na ang ating mga kinatatakutan (problema sa buhay) hanggang sa unti-unti na tayong lumulubog at tuluyang malunod. Si Lord ba ang may kasalanan?
Hindi si Lord ang may diperensiya kundi tayo. Ang iniisip natin ay yung TAKOT agad kaya tayo lumulubog sa halip na ang tuon o pokus natin ay sa Panginoon. Natataranta agad tayo. Nakalimutan natin na hindi tayo pababayaang “malunod” ng Diyos. Gaya ng sinabi ni Jesus kay Pedro: “Bakit tayo nag-aalinlangan? Napakaliit naman ng ating pananampalataya”. (MATEO 14:31)
Ang mga problemang dumarating ay ituring lamang natin na isang pagsubok at bagyong dumaraan lang at pagkatapos ay lilipas din. Walang bagyong (problema) tumatagal ng isang buwan. Kaya lamang nagtatagal ang ating mga problema ay dahil pinipilit nating itong pasaning mag-isa. Andiyan si Lord. Bakit hindi tayo lumapit sa kaniya at iaabot ang ating kamay gaya ni Pedro para maiahon tayo mula sa ating pagkalunod.
MENSAHE NG PAGBASA:
Ang tagpo sa ating Pagbasa ay isang paalala na sa ating buhay, may mga pagkakataong tila nilalamon tayo ng mga problema, pagsubok at kawalan ng katiyakan. Madalas, nakatuon tayo sa “alon” ng ating mga suliranin kaysa sa presensya ng Diyos.
Tulad ni Pedro, nagkaroon tayo ng lakas ng loob na humakbang dahil sa pananampalataya. Ngunit nang ilihis niya ang kanyang tingin kay Hesus at ituon ito sa malakas na hangin at alon, nagsimula siyang lumubog. Ganoon din tayo. Kapag mas pinairal natin ang takot kaysa pagtitiwala sa Diyos, nanghihina ang ating pananampalataya. Ngunit ang magandang balita ay hindi tayo hinahayaang malunod. Inabot ni Hesus ang kamay ni Pedro at iniligtas siya.
AMEN
