Calendar
Manila waste collection tuloy kahit umuulan
TULOY ang paglilinis ng mga nagkalat na basura sa Maynila sa kabila ng walang tigil na ulan, pagbaha sa maraming lansangan at pagbagsak ng ilang mga punong-kahoy.
Ayon kay Department of Environment and Public Services (DEPS) Director Kenneth Amurao, normal ang operasyon ng solid waste management at transfer station na pinagdadalhan ng nakokolektang basura bago idiretso sa San Mateo Landfill.
Hindi hadlang ang ulan para pansamantalang itigil ang paglilinis sa Maynila dahil mahigpit ang direktiba ni Mayor Isko Moreno na huwag hayaang anurin ng baha patungo sa mga imburnal, estero, at kanal ang mga basura.
May tagubilin ang alkalde sa mga kawani ng DEPS na pag-ingatan ang kanilang sarili at isuot ang mga rain boots at kapote para may panangga sila sa ulan.
Kabilang din sa naging tungkulin ng DEPS ang paglilinis at pag-aalis ng mga nabuwal na puno dahil sa malakas na hangin at ulan upang hindi makaabala sa maayos na daloy ng trapiko.

