NBI

NBI-CCD inaresto 3 suspek sa cyber fraud

Jon-jon Reyes Aug 10, 2026
38 Views

INARESTO ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division (NBI-CCD) ang tatlong suspek sa cyber fraud scheme na modus ang pasukin ang security credentials ng mga kumpanya at kinukuha ang mga reward points noong Agosto 4.

Nadakip ang mga suspek matapos ang serye ng mga entrapments sa Sampaloc, Maynila at Novaliches, Quezon City.

Nagmula ang imbestigasyon sa reklamo na inihain ng isang BPO, na naghikayat ng mga empleyado sa Maynila at Davao sa kahina-hinalang Facebook account na nagngangalang “Fernandez Nancy.”

Inaalok ng nasabing scheme ang mga manggagawa ng karagdagang kita kapalit ng hindi awtorisadong paglilipat ng mga hotel points patungo sa mga account para sa mga libreng hotel stay.

Nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng NBI-CCD at nagpanggap ding empleyado ng kumpanya na inutusang ibigay ang isang key, ang hardware security-token na nagbibigay ng access sa portal ng hotel.

Ipinadala ng mga undercover agent ang device gamit ang courier service at sinubaybayan ang paglipat-lipat nito hanggang sa matanggap ito ng isa sa mga suspek sa Sampaloc.

Itinuro ng nasabing suspek ang kinaroroonan ng dalawa pang suspek sa Novaliches, Quezon City at naaktuhan ang tatlo habang tinatanggap ang hardware key at agad na inaresto.

Isinailalim ang mga suspek sa inquest proceedings para sa mga kasong illegal access, misuse of devices at computer-related fraud sa ilalim ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).