Suspek

Welding machine ninenok, 2 tiklo

26 Views

ARESTADO ang dalawang lalaki matapos umanong magnakaw ng welding machine na nagkakahalaga ng P120,000 sa construction company sa Brgy. Tandang Sora, Quezon City noong Agosto 8.

Kinilala ang mga suspek sa alyas Kulas, 54; at Boyet, 35, ayon sa Talipapa Police Station (PS-3),

Dakong alas-12:45 ng tanghali ng makarinig ng malakas na kalabog ang isang liaison officer ng construction company.

Sinilip niya ang lugar at pinapalabas ang taong nasa loob.

Laking gulat niya nang lumabas si Kulas na umano’y umamin na kinukuha ang welding machine.

Pinigil ng complainant ang suspek habang hinihintay ang mga barangay tanod, ayon sa report.

Sa pagtatanong kay Kulas, itinuro niya si “Boyet” bilang kanyang kasabwat. Nang dumating ang mga tanod, inaresto rin si Boyet na umano’y umamin sa kanyang pagkakasangkot.

Narekober naman ang dismantled na generator-type welding machine.

Napag-alaman na halos 15 taon ng dump truck driver sa naturang kumpanya si Kulas at utility driver sa ibang construction company si Boyet.

Inihahanda na ang kasong qualified theft laban sa dalawa.

Ayon kay QCPD director PBGEN Randy Glenn Silvio, patunay ang insidente na katuwang ng pulisya ang pagiging mapagmatyag ng mga mamamayan sa pagpigil at paglutas ng krimen.