Malabon

3 kelot dinampot sa pagnenok ng sakong hanger, ukay-ukay sa bodega

Edd Reyes Aug 11, 2026
25 Views

TIMBOG ang tatlong kawatan na sinamantala ang malakas na ulan para pasukin at looban ang isang bodega sa Malabon City.

Patakas na ang mga suspek na sina alyas “Jr Topeng”, 24, alyas “Boni”, 26, at alyas “Johan” 24, pawang residente ng Brgy. Tonsuya, nang madakip ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, habang bitbit ang mga ninenok sa loob ng bodega na nasa No. 107 P. Aquino Avenue, Barangay Longos, dakong ala-12:45 ng Lunes ng madaling araw.

Lumabas sa imbestigasyon nina P/MSg Ernie Baroy at P/MSg Diego Ngippol na nakapasok sa loob ng bodega ang mga kawatan nang wasakin ang bahagi ng pader na tinakpan lang ng yero bago lumabas, tangay ang dalawang sako ng hanger na nagkakahalaga ng P16,000, at isang sako ng ukay-ukay na mga damit na nagkakahalaga ng P3,000.

Nagkataong gising pa ang testigong si alyas “Ric”, 41, na nakatira sa tabi lang ng bodega kaya’t kaagad na tumawag sa Malabon Police Sub-Station-5 nang masaksihan ang panloloob na nagresulta sa pagkakadakip sa mga kawatan.

Nabawi ng pulisya ang mga kinulimbat ng mga suspek na gagamiting ebidensiya sa pagsasampa ng kasong robbery laban sa kanila sa Malabon City Prosecutor’s Office.